Panadero Noon, Isa nang Ganap na Doktor na Ngayon

Gaano man kataas ang pangarap sa buhay basta’t may pagsusumikap at determinasyon ay walang imposible. Pinatunayan yan ng isang doktor na dating panadero noon, nang dahil sa kanyang pagsusumikap na maabot ang hinahangad na propesyon siya ngayon ay matagumpay na at masayang tumutulong sa mga taong may karamdaman.

Si Rommel Abellar Amos ay 37 taong gulang na doktor na kakapasa pa lamang sa Physician Licensure Examination (PLE). Siya ay tubong Eastern Samar na ilang taong nagtrabaho sa isang bakery bilang panadero upang makapag-ipon at makapag-aral ng kursong medisina.

Bago siya naging panadero ay nagsimula muna siya bilang isang water boy sa isang water refilling station noong taong 2005. Bukod pa diyan ay pinasok niya rin ang ibat-ibang trabaho tulad ng pagiging sales clerk, marketing assistant at merchandiser upang matustusan ang kanyang pag-aaral.

Credit: Facebook / Rommel A. Amos

Pinangarap niyang maging isang doktor dahil nakita niya ang hirap ng kanyang probinsya dahil sa kakulangan nito. Ang probinsya niya na isang remote area ay isa sa mga probinsya sa bansa na walang doktor kaya naman hindi matugunan ang pangkalusugan na kalagayan ng mga mamamayan dito. Ito raw ang nanghikayat sa kanya na mag-aral ng medisina at maging ganap na doktor dahil nais niyang makatulong sa mga tao.

Subalit hindi naging madali ang kanyang naging karanasan bago naging ganap na doktor. Taong 2017 ay kinailangan niya magtrabaho bilang isang assistant baker ng isang panaderya upang magkaroon ng panggastos sa kanyang pag-aaral. Hindi lingid sa kaalaman ng marami na hindi biro ang gastusin sa kursong medisina kaya naman todo kayod si Rommel upang matugunan ang kanyang pangangailangan sa pag-aaral.

Credit: Facebook / Rommel A. Amos

Sa kabutihang palad, ang nagmamay-ari ng panaderya na kanyang pinagta-trabahuan na si Veronica Afable ay nagmagandang loob na tulungan siya sa kanyang pinansyal na pangangailangan. Naging malaking tulong kay Rommel ang pinansyal na tulong dahil kahit papaano ay nabawasan ang kanyang gastusin na lubos niyang pinagpapasalamat at tinatanaw ng utang na loob.

Ayon kay Rommel, “Before taking med studies, another two years nagtrabaho po ako sa bakery para makapag-ipon. During my med school, every summer break and sembreak nakakapagtrabaho po ako sa bakery pa rin.”

Credit: Philippine Star

Ang pagsusumikap ni Rommel ay nagbunga matapos niyang makapagtapos ng kursong medisina sa Cagayan State University sa Tuguegarao City noong taong 2019. At ngayong taong March 2021 matapos ang mahabang pagre-review ay kumuha siya ng Physician Licensure Exam at matagumpay na nakapasa.

“Masaya po at minsan naiiyak dahil sa sacrifices na pinagdaanan ko, narealize kong wala palang imposible pag may tiyaga at masipag,” saad niya.

Sino nga ba ang mag-aakala na ang dating panadero noon ay isa ng ganap na doktor ngayon? Iba talaga ang nagagawa ng taong may pangarap sa buhay dahil ito ang nagtutulak sa kanila upang magsumikap at magtagumpay.

Credit: Philippine Star

“Message ko sa young generation ay maging priority nila ang education. Yun na rin talaga ang magdadala sa kanila. Maging madiskarte in case may financial crisis,” payo niya sa mga kabataan ngayon.

Magandang halimbawa si Rommel sa lahat na kahit sino ay pwedeng mangarap ng mataas. Ano mang klaseng propesyon ang gustuhin, mapa-doktor, inhinyero o piloto man ito, ang lahat ay posible sa taong may determinasyon. Mensahe naman ni Rommel sa mga working students, “May katapusan ang sacrifices, focus sa goal. It will pay off in the end.”

Leave a Reply