Guro, Madalas Mapagkamalan na Grade 1 Dahil sa Taglay na Baby Face

Nakakita ka na ba ng isang guro na mukha lang estudyante? Dahil sa pagkakaroon ng batang mukha ay hindi mo mapagkakamalang isa na palang matanda at guro pa nga. Hindi lahat ay biniyayaan ng baby face look kaya naman nakakagulat para sa marami sa tuwing makakatagpo ng mga taong katulad ng isang guro na ito sa probinsya ng Bulacan.

Kilalanin si Teacher Ian Francis Manga na mula sa probinsya ng Bulacan. Dahil sa kanyang batang itsura ay marami ang nagugulat kapag nalalamang siya ay 24 years old na at hindi isang estudyante kundi isang ganap na guro. Sino nga naman ang mag-iisip na siya ay nasa tamang edad na dahil kung titingnan mo talaga ay mukha lang siyang estudyante sa elementarya. Madalas nga daw siyang mapagkamalan na grade 1 imbes na guro dahil sa taglay na baby face look.

Credit: Facebook / Ian Francis Manga

Pagbabahagi ng may-ari ng isang Review Center na si Dr. Carl Balita, noong una niya raw makita si Teacher Ian ay nagtaka siya kung bakit may bata na nagbabasa at nag-aaral ng kanilang Licensure Exam for Teacher (LET) review materials. Ang buong pag-aakala niya ay isinama lamang ito ng isa sa mga nagre-review. Maaaring anak daw ito ng isa mga nanay at napagdesisyunan na dalhin sa Review Center dahil walang mag-aalaga. Ngunit laking gulat niya ng mapag-alaman na isa pala ito sa mga nagrereview talaga at hindi kung sinong bata lang, kundi isang guro.

“Madalas akala nila Grade 1 ako or kinder,” saad ni Teacher Ian.

Credit: Facebook / Ian Francis Manga

Hindi na daw nagugulat si Teacher Ian sa tuwing napagkakamalan siyang bata at sa mga nagiging reaksyon ng mga tao sa tuwing nalalaman na matanda na siya. Matagal na umano siyang sanay dahil mula pa man noon ay normal niya na itong natatanggap sa mga tao dahil nga sa taglay niyang baby face na itsura.

Ngunit ang taglay niyang baby face na itsura ay isa rin sa kanyang mga naging problema sa buhay. Dahil mukha siyang bata para sa kanyang totoong edad ay madalas siyang makatanggap ng mga pang-aasar at hindi siya siniseryoso ng mga tao sa kanyang paligid.

Credit: Facebook / Ian Francis Manga

Nahihirapan siyang makibagay sa mga tao at makisalamuha sa publiko dahil nga inaakalang bata pa siya, estudyante o kung tawagin ay “Grade 1” nga daw. Ngunit hindi ito naging hadlang upang siya ay mag-aral ng mabuti at maabot ang kanyang pangarap na maging guro.

Hindi nagpadala si Teacher Ian sa mga pangmamaliit sa kanya ng mga tao, imbes ginawa niya itong motibasyon upang magsumikap sa buhay at ipakitang kahit mukha siyang bata ay kaya niyang magtagumpay. Ipinakita niya na wala sa pisikal na kaanyuan ng tao ang kayang maaabot sa buhay, basta’t may pangarap at determinasyon ay magagawa ito.

Credit: Facebook / Ian Francis Manga

Bukod pa diyan ay naging inspirasyon niya rin ang kanyang ina na isa rin palang guro. Isa daw ito sa mga nagpalakas ng kanyang loob upang magpatuloy at abutin ang pangarap na maging guro at huwag magpaapekto sa mga sinasabi ng mga tao.

Nais rin maging inspirasyon ni Teacher Ian sa kanyang mga estudyante na hindi hadlang ang kanyang baby face upang makapagturo ng maayos sa kanila. Gusto niyang ipakita na isa siyang mabuti at magaling na guro ano man ang kanyang itsura. Hinangaan naman siya ng maraming netizens dahil sa taglay niyang determinasyon na ipakitang kaya niya. Umani siya ng maraming positibong komento dahil isa siyang kahanga-hangang guro.

Credit: Facebook / Ian Francis Manga

Masaya ngayon si Teacher Ian bilang isang guro na natuturuan ang mga bata hindi lang ng aralin kundi pagiging isang inspirasyon sa kanila. Nagpapasalamat rin siya sa mga taong sumusuporta at nagpapalakas ng kanyang loob upang ipagpatuloy ang kanyang pangarap na propesyon. Hangad niya na maging inspirasyon din siya sa ibang tao na katulad niyang may kinakaharap na problema pagdating sa itsura at tingin ng iba, na huwag magpaapekto kundi magpatuloy lamang.

Leave a Reply