Ang pagiging magulang ay isang mabigat na responsibilad dahil hindi biro ang pagpapalaki ng anak. Karaniwang magkatuwang ang mag-asawa sa pag-aalaga ng kanilang anak ngunit paano na lamang kung mag-isa ka nalang na tumatayong ama’t ina sa iyong anak, hindi ba’t mas mahirap ito?
Si Jeffrey Camangyan o mas kilala bilang si Wowie De Guzman ay isang aktor at dancer, isa siya sa pinakasikat noong 1990s. Nakilala siya bilang isang magaling na mananayaw na kabilang sa sikat na grupong Universal Motion Dancers o UMD. Isa rin siyang magaling na aktor na naging katambal noon ng aktres na si Judy Ann Santos.

Iniwan niya ang buhay showbiz at nagdesisyon na bumuo ng sariling pamilya kasama ang kanyang nobya na si Sheryl Ann Reyes. Sila ay ikinasal at biniyayaan ng isang anak na babae. Ngunit sadyang mapaglaro ang buhay dahil sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang pumanaw ang kanyang asawa, isang buwan matapos ipanganak ang kanilang anak.
Mahirap at sadyang napakalungkot para kay Wowie ang biglaang pagkawala ng kanyang mahal na asawa noong 2014. Sa kabila ng pangyayaring ito ay hinarap ni Wowie ang hamon ng pagiging isang single parent. Matapang niyang pinanindigan ang pagiging parehong ama’t ina sa kanyang anak na si Rafaella.

Ngayon nga ay mahigit anim na taon na ang lumipas simula ng nawala ang kanyang asawa at ina ng kanyang anak. Makikitang maayos naman ang kanilang kalagayan at napalaki niya ng mabuti ang kanyang anak.
Sa isang panayam kay Wowie ay ibinahagi niya ang naging buhay niya bilang isang single parent. Ayon sa kanya ay kahit hindi naging madali ang pagiging mag-isa niya sa pagpapalaki sa anak ay malaki ang pasasalamat niya sa mga biyayang natatanggap niya sa buhay at mga taong tumulong sa kaniya.

“Super, I’m thankful na sobrang daming blessing, especially sa career. Hindi ako masyadong visible sa TV, pero sobra iyong mga trabahong dumarating sa akin bilang isang dancer,” aniya.
Dagdag pa ni Wowie ay nangako siya sa pumanaw niyang asawa na hindi niya pababayaan ang kanilang anak, kung kaya’t nagsusumikap siyang mabigyan ito ng magandang buhay. Nagpapasalamat rin siya sa kanyang mga in-laws na tinutulungan siya sa pag-aalaga at paggabay kay Rafaella.

Isa rin sa mga dahilan upang ipagpatuloy niya ang kanyang buhay ay ang anak na binibigyan siya ng lakas sa araw-araw. Makikitang lumaking masayahin ang kanyang anak at malusog na tanda ng pagiging isa niyang mabuting ama.
Maraming netizens naman ang bumilib sa kwentong ito ni Wowie at talagang napahanga sa pagiging mabuti at mapagmahal niyang single parent.

“Kahanga-hanga po kayo, yan ang tunay na gwapo, hindi lang sa porma kundi sa pagiging responsable rin.”
“Proud ako sayo Wowie kasi pinatunayan mong kaya mong maging ina at ama, ipagpatuloy mo lang ang pagiging mabuti.”
“Ang galing mo, dapat ganyan ang mga lalaki mapagmahal at responsable. dapat kang tularan idol. God bless!”
“God bless sayo Wowie, saludo ako sa napalaki mo ng maayos ang anak mo.”
“One of a kind. Remain to be a good father. Your wife in heaven is surely happy and proud of you, idol.”

Sa kasalukuyan, bukod sa pagiging responsable niyang ama sa anak na si Rafaella, ay abala rin si Wowie sa pagiging isang matagumpay na zumba instructor.
Isang magandang halimbawa si Wowie para sa marami lalo na sa mga magulang, na anuman ang kaharapin na pagsubok sa buhay ay parating piliin na bumangon. Gawing inspirasyon at lakas ang inyong mga anak para magsumikap, single parent man o hindi