Kundoktor ng Bus, Napagtapos ng Kursong BSBA ang Kasintahan sa Kolehiyo

Ang pagiging kundoktor ng bus ay isang mahirap na trabaho dahil hindi biro ang maghapon na pagtayo at pag-balanse habang umaandar ang bus para lamang mangolekta ng pamasahe sa mga pasahero. Bukod dun ay nalalanghap mo pa ang polusyon mula sa kalsada at madalas ring siksikan sa bus tuwing rush hour.

Ngunit ang paghihirap na ito ay hindi alintana ng nobyo ni Sincer Mae Balili na isang kundoktor at nagsusumikap magtrabaho para lamang mapagtapos siya sa kanyang pag-aaral. Ang kanyang nobyo ay buong pagsusumikap na iginapang ang kanyang pag-aaral para lamang mapagtapos siya nito.

Credit: Facebook / Sincer Mae Balili

Ibinahagi ni Mae sa social media ang kwento ng pagsusumikap at pagtulong sa kanya ng dalawang taon niyang nobyo na si Eldirberto ‘Bert’ Tanghap Andil na isang konduktor sa Rural Transit Mindanao Inc. Si Bert umano ang nagtulak sa kanya upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral noong mga panahon na gusto niya ng huminto dahil sa pinansyal na problema.

Nag-alok ng tulong ang kanyang nobyo at nangako na tutulungan siya nito sa pinansyal hanggang siya ay makapagtapos. Dahil dito ay mas lalong nagsumikap si Bert sa kanyang pagtatrabaho sa kagustuhang matulungan ang kanyang nobya at dahil na rin sa pagmamahal niya dito.

Credit: Facebook / Sincer Mae Balili

Naging malaking tulong at pasasalamat rin niya sa kumpanya kung saan nagtatrabaho ang kanyang nobyo dahil hindi na siya sinisingil ng pamasahe at libre ng nakakasakay sa kanilang mga bus. Ang simpleng bagay na ito ay napakalaking tulong para kay Mae dahil ang pera para sa kanyang pamasahe ay kanyang naitatabi at ginagamit pandagdag sa kanyang mga gastusin.

Ang pagsususmikap nga ng kanyang nobyo ay sinuklian niya rin ng mabuti. Hindi sinayang ni Mae ang tulong nito kaya naman ay matagumpay siyang nakapagtapos ng Bachelor of Science in Business Administration.

Credit: Facebook / Sincer Mae Balili

Noong araw nga ng kanyang graduation ay inakala ni Mae na hindi makakadalo ang kanyang nobyo dahil may trabaho ito ngunit isang katrabaho nito ang nagmagandang-loob na gumawa ng paraan para magkita ang dalawa. Dahil nga napaka-espesyal ng pagtatapos na iyon para sa magkasintahan ay laking tuwa ng dalawa.

Masaya si Mae na naipakita sa kanyang nobyo ang bunga ng kanyang tulong at pagsusumikap, habang masaya rin si Bert para sa kanyang nobya dahil nakapagtapos na ito. Ang magkasintahan na ito ay patunay lamang na ang kanilang pagmamahalan ay binubuo rin ng suporta ng isat-isa.

Credit: Facebook / Sincer Mae Balili

“Sobrang proud ako sa kanya dahil sa lubos na suporta sa pag-aaral ko,” saad ni Mae.

Dagdag pa niya, “Mula noon siya na ang gumapang sa pag-aaral ko, alam kong maliit ang sahod niya pero tulong-tulong kaming dalawa.”

Maraming netizens ang naantig at humanga kay Bert bilang isang nobyo at kundoktor dahil hindi lahat ay kayang gawin ito sa kanilang kasintahan.

Credit: Facebook / Sincer Mae Balili

Naging inspirasyon si Bert sa maraming netizens dahil sa ‘di matatawarang pagmamahal sa kanyang nobya. Kahit hirap sa kanyang trabaho ay nanguna pa rin ang kagustuhan niyang maabot ni Mae ang pangarap nito kaya’t buong sikap niya itong tinulungan. Isa siyang huwarang konduktor at nobyo na isang magandang halimbawa para sa lahat ng magkasintahan.

Leave a Reply