Ukay-Ukay Seller, May Nakakapangilabot Na Karanasan Sa Kanyang Ibinebenta

Halos lahat ng tao sa panahon ngayon ay alam ang ukay-ukay at siguradong nakapag-ukay na rin sa buhay nila. Sino bang hindi matutuwa sa ukay-ukay? Ang mga second hand na damit, sapatos o bag na binebenta ay napakamura lamang at magaganda pa ang kondisyon.

Credit: Rags2Riches

Dahil sa pagdating ng pandemya, nalimitahan nga ang pag-u-ukay-ukay ng mga tao ngayon, kaya naman nagsilabasan ang mga online seller na nagtitinda ng ukay-ukay sa live selling sa social media at isa na nga diyan ang online seller na si ‘Lez’.

Masaya si Lez sa pagbebenta ng kaniyang mga ukay dahil talaga namang maraming interesado at bumibili. Ngunit hindi lang pala saya ang kayang ibigay sa kaniya ng ukay-ukay kundi kababalaghan rin.

Credit: Business Insider

Ibinahagi nga ni Lez sa Facebook page na ‘Spookify’ ang nakakapangilabot niyang karanasan sa pagbebenta ng isang second hand na damit sa kaniyang online selling. Isang araw habang nasa live selling siya at hawak ang isang pulang polo shirt, ay may nagkomento raw sa kaniyang video na ang cute raw ng bata sa likod niya.

Nagtaka si Lez kung bakit nagkomento ang kaniyang viewers ng tungkol sa bata samantalang mag-isa lamang siya sa kanilang bahay. Napahinto si Lez at pansamantalang humito sa live selling upang tingnan kung may nakapasok ba sa kanilang bahay ng di niya namamalayan, subalit wala naman.

Credit: Vynil Silhouette

Nang bumalik siya sa kaniyang live selling ay napansin niyang mayroon ng isang viewer na nagkomento ng ‘mine’ sa pulang polo shirt na kaniyang hawak.

Kinabukasan ay kaagad inayos ni Lez lahat ng orders na ipapadala niya sa mga viewers na nag-mine sa kaniyang mga ukay-ukay upang ipa-deliver. Ngunit makalipas ang tatlong araw ay nakatanggap siya ng mensahe mula sa buyer ng pulang polo shirt, at nagrereklamong bakit iba raw ang damit na natanggap niya.

Credit: Hanna Anderson

Nagpadala pa nga raw ng larawan ang babae kung kaya’t napaisip pa siya na baka scammer lang ito. Imposible raw kasing magkamali siya dahil wala naman daw siyang tininda na ganung klaseng damit katulad ng larawan na pinadala ng buyer, at sigurado siyang maayos niyang inilagay sa pagkage ang pulang polo shirt na order nito. Sa bandang huli ay humingi na lang ng paumanhin si Lez sa buyer at baka nga nagkamali siya ng pagkakapack. Sinubukan niya ring hanapin ang pulang polo shirt ngunit hindi niya ito makita.

Kinagabihan habang nakahiga si Lez sa kaniyang kama at nagse-cellphone, magtatalukbong sana siya ng kumot ngunit imbis na kumot ang kaniyang makuha ay laking gulat niya na ang pulang polo shirt ang kaniyang nahawakan. Sa sobrang gulat at takot ni Lez ay napatakbo siya at agad na sinindihan ang ilaw at nakumpirmang ang pulang polo shirt nga ang kaniyang hawak. Hinagis niya raw ito palabas ng kaniyang kwarto at sinara ang pinto at iniwang nakasindi ang ilaw dahil sa takot na naramdaman niya.

Credit: Nest and Glow

Subalit hindi pa doon natapos ang nakakatakot niyang karanasan, dahil makalipas lamang ang isang oras habang sinusubukan niyang matulog ay may biglang kumatok sa kaniyang pinto na labis niyang ikinagulat dahil mag-isa lamang siya sa bahay nila noong panahon na iyon. Imbis na buksan ang pintuan ay sumilip lamang siya sa awang ng pinto sa baba upang tingnan kung sino ang kumatok. Ngunit hindi tao ang kaniyang nakita kundi ang pulang polo shirt na lumulutang sa hangin.

Nilakasan daw ni Lez ang kaniyang loob at binuksan ang pinto at doon na nga niya nakita ang batang tinutukoy ng kaniyang mga viewers sa live selling habang suot ang pulang polo shirt. Mas lalo pa niyang ikinatakot nang magsalita ito at tinatanong kung bakit niya ibinibenta ang kaniyang damit na regalo sa kaniya ng kaniyang ina noong kaarawan nito na mismong araw na naaksidente ito.

Credit: Lake Behavioral

Sa sobrang takot raw ni Lez at nawalan siya ng malay, at pagkagising niya ay nasa harap pa rin siya ng pinto at doon nakatulog. Pagbangon niya ay agad niyang nakita ang polo shirt na naging puti na at puno ng dugo. Inisip na lang raw ni Lez na baka nga sumakabilang buhay na ang totoong may ari ng polo, kaya naman inilagay niya ito sa kahon at ipinagdasal tsaka inilibing ng maayos.

Pagkatapos raw ng karanasan na iyon ay na-trauma na siya sa sobrang takot kaya naman huminto na siya sa pagbebenta ng ukay-ukay. Talaga namang nakakatakot ang karanasang ito ni Lez, at sino mang makaranas nito ay siguradong mato-trauma rin. Kayo ba? Naniniwala ba kayong galing sa patay ang karamihan sa ukay-ukay? Mag-uukay pa ba kayo?

Leave a Reply