Ang pagiging magulang ay hindi madaling trabaho dahil kailangan mong pagtuunan ng pansin ang pagpapalaki sa mga anak upang masiguro na lumalaki sila ng maayos at mabuti. Sa panahon ngayon ay talaga namang kahanga-hanga ang mga single parent dahil sa kanilang determinasyon na alagaan mag-isa ang anak. Katulad na lamang ng ilang mga aktres na naging inspirasyon sa marami dahil sa pagiging matagumpay na single parent kahit pa kaliwa’t kanan ang trabaho sa mundo ng showbiz.
Kilalanin natin ang ilan sa mga nakakabilib na mga Pinay celebrities na single moms ngayon.

Si Ara Cristine Pascual Klenk o mas kilala bilang si Cristine Reyes ay ang nakababatang kapatid ni Ara Mina. Siya ay ikinasal noong taong 2016 sa Filipino-Iranian na aktor, model at martial arts expert na si Ali Khatibi. Nagkaroon sila ng pribadong kasal sa Balesin Island at biniyayaan ng babaeng anak na si “Amarah”, ngunit ang pagsasama ng dalawa ay nagtapos rin noong taong 2019 sa hindi isiniwalat na dahilan.

Si Princess Tinkerbell Cristina Marjorie Pedere Snell o mas kilala bilang Nathalie Hart ay isang aktres at modelo. Sa kalagitnaan ng kanyang kasikatan ay bigla na lang itong naglaho sa showbiz at napag-alamang ikinasal sa kanyang boyfriend na si Mayank Sharma na isang Indian businessman sa Sydney, Australia. Kasabay nito ang kanyang pagbubuntis at pagkapanganak kay “Penelope”. Taong 2019 nang ipahayag niyang naghiwalay na sila ng kanyang asawa sa kadahilanang hindi na maganda ang takbo ng kanilang relasyon at dahil na rin sa mga personal na pagkakaiba nila.

Si Sharmaine Ruffa Rama Gutierrez o mas kilala bilang Ruffa Gutierrez ay isang aktres, modelo, host at dating beauty queen. Ikinasal siya sa Turkish businessman na si Yilmaz Bektas noong 2003 at biniyayaan sila ng dalawang magandang anak na sina “Lorin” at “Venice”. Hindi rin nagtagal ang kanilang relasyon at naghiwalay noong taong 2007 dahil umano sa “cultural differences”.

Si Kristina Bernadette Cojuanco Aquino o mas kilala bilang Kris Aquino ay isang aktres, tv host at endorser. Nagmula siya sa pamilya ng mga politiko ngunit mas pinili niya ang karera sa showbiz. Nagkaroon siya ng anak kay Philip Salvador na si “Josh”. Ikinasal si Kris sa basketball player na si James Yap noong 2005 at biniyayaan ng isang anak na si “Bimby”. Hindi rin ito nagtagal at naghiwalay noong 2010 at sinasabing isa sa naging dahilan ay ang kanilang malaking age gap sa isat-isa.

Si Jenine Desiderio ay isang aktres at singer. Naging asawa niya si Juan Miguel Salvador at nagkaroon ng dalawang anak, isa nga dito ay ang aktres na si “Janella”. Ngunit hindi naging matagumpay ang pagsasama ng dalawa at naghiwalay rin dahil sa third party.

Si Jodie Chrissie Garcia Sta. Maria o mas kilala bilang Jodi Sta. Maria ay isang magaling na aktres at endorser. Mag-isang pinalaki ni Jodi ang anak niyang si Thirdy sa kabila ng kanyang abalang karera sa showbiz. Bilang magaling na aktres hindi ito nahihinto sa pag-arte at laging sunod ang kanyang mga proyekto, kaya naman nakakabilib isipin na isa rin siyang single mom.

Si Jennylyn Anne Pineda Mercado o mas kilala bilang Jennylyn Mercado ay isang aktres at singer. Nakilala siya matapos manalo sa unang season ng StarStruck na reality talent competition ng GMA. Nagkaroon siya ng anak sa dati niyang boyfriend na si Patrick Garcia. Hindi naging matagumpay ang kanilang relasyon kung kaya ay mag-isa niya lamang pinapalaki ang kanyang anak na si “Jazz”.

Si Sunshine Cruz ay isa ring batikang aktres at kilala bilang matagal ng single mom sa tatlo niyang anak na sina “Angelina”, “Samantha” at “Francheska”. Hindi naging matagumpay ang pagsasama nila ni Cesar Montano na nauwi sa hiwalayan at magmula nga noon ay mag-isa niya na lamang pinalaki ang mga anak.
Iyan ang ilan sa mga pinay celebrities na kahit abala sa mundo ng showbiz ay matagumpay pa ring napalaki ang mga anak kahit mag-isa. Isa silang inspirasyon at patunay na hindi hadlang ang pagiging abala sa trabaho upang mapalaki ng maayos at magkaroon ng magandang relasyon sa mga anak.