Onyok Velasco, Natanggap Na ang Gantimpala Mula sa Gobyerno Matapos ang 25 Taon

Dalawampu’t limang taon ang lumipas bago natanggap at napasakamay ng Silver medalist Masueto Velasco o kilala sa pangalan na “Onyok” ang inaasam nitong gantimpala mula sa gobyerno.

Taong 1996 nang sumalang sa Olympics si Onyok. Siya ang kalahok at pambato ng Pilipinas sa ginanap na Atlanta Summer Olympics 1996. Sumalang sa Light Featherweight Division si Onyok at nakapag-uwi ng karangalan sa bansa kabilang ang medalyang pilak. Umuwing hatid ang kasiyahan at karangalan sa bansa si Onyok.

Credit: Summit Express

Sa kanyang pag-uwi ay pinangakuan siya ng mga dating tumatayo sa gobyerno at mga politiko ng papremyo dahil sa nakamit nitong medalya. Ngunit ang pangakong ito ay napako. Hindi natupad ang ipinangakong cash at scholarship na para sana sa mga anak nito. Isa pa sa hinanakit ng manlalaro, maging ang lifetime allowance na nagkakahalaga ng sampung libo na ipinangako sa kanya ay naputol kaagad matapos ang isang taon.

Inabot pa nga ng dalawampu’t limang taon bago nito makuha ang ipinangakong gantimpala ng gobyerno nung taon na siya ay nakasungkit ng silver medal sa naturang olympic. Ito’y kasabay ng pagbibigay rin ng gantimpala para sa iba pang nakasungkit ng medalya sa ginanap na 2020 Tokyo Olympics.

Credit: GMA News / 24 Oras

Nagsimula ang pagsasalita ni Onyok sa kanyang naranasang sitwasyon nang tanghaling Gold Medalist ang pambato ng bansa sa weight lifting na si Hidilyn Diaz. Hindi tulad ng naging karanasan ni Onyok marami sa mga negosyante at pulitiko ang nagbigay ng gantimpala at pabuya kay Hidilyn na umabot pa nga sa milyong halaga kasama na riyan ang pera, bahay, kotse at maging ang libreng pagsakay sa eroplano.

Giit ni Onyok sana naman ay maibigay na ang nararapat na insentibo na dapat niyang makuha noon pa man, dahil ginawa niya ang lahat para sa karangalan ng bansa. Naging maagap naman si Presidente Rodrigo Duterte sa panawagan ni Onyok na maibigay sa kanya ang kanyang matagal ng hinihintay na gantimpala na nagkakahalaga ng 500,000.00 pesos.

Credit: Spin PH

Hindi ba’t may batas tayong nagsusulong na mabigyang insentibo ang mga manlalarong atleta na sumasali sa mga malalaking patimpalak na tulad na lamang ng Olympics. Ang kwento ni Onyok Velasco ay nagpapakita ng hindi pagkakaroon ng maayos na sistema sa pamamahagi ng nararapat na pabuya para sa mga atletang Pinoy.

Isang panawagan na rin ito na huwag na sanang maranasan pa ng susunod na henerasyon ng mga atletang Pinoy na ginagawa ang lahat ng makakaya para makapag uwi ng inaasam na medalya at karangalan sa ating bansang Pilipinas.

Leave a Reply