Engineer, Proud na Isinabit ang Kanyang Tarpaulin sa Tagpi-Tagpi Nilang Bahay Matapos Pumasa sa Board Exam

Marami nang nagpatunay na ang kahirapan ay hindi hadlang upang makapagtapos ng pag-aaral at magtagumpay sa buhay. Isa sa pinaka-epektibong motibasyon ng mga nag-aaral ay ang kahirapan dahil sa kagustuhang mai-angat ang antas ng kanilang pamumuhay at makatikim ng kaginhawahan.

At muli, isa na namang huwarang estudyante ang nakapagtapos at naging ganap na engineer. Sa kabila ng simpleng pamumuhay at tagpi-tagping bahay ay hindi naging hadlang sa dalagang ito ang magsumikap upang makapagtapos.

Credit: Facebook / Crystalle Mae Manalo

Si Crystalle Mae Manalo ay nakapagtapos ng kursong Mechanical Engineering sa Colegio De San Juan De Letran Calamba at pinarangalan ng “Academic Excellence Awardee” nang makapasa siya sa Mechanical Engineering Licensure Examination.

Sa kabila ng kahirapan ng buhay ay buong pagmamalaki niyang isinabit ang kanyang tarpaulin sa harap ng kanilang tagpi-tagping bahay. Ang tarpaulin ay larawan niya na nakalagay ang kanyang pagtatapos at pagkapasa sa board exam. Ang tarpaulin ay hindi lang basta naging patunay ng simpleng pagtatapos o pagkapasa sa board exam kundi patunay ng kanyang pagsusumikap, tiyaga at determinasyon sa buhay.

Credit: Facebook / Crystalle Mae Manalo

Ang pag-aaral ng kursong engineering ay mahirap. Makikitang magmula pa man noon ay mahusay na sa pag-aaral si Crystalle sa dami ng medalya na kanyang natanggap mula sa pag-aaral. Ang husay niyang ito ay ginamit niya upang makamit ang kanyang pangarap sa tulong na rin ng kanyang determinasyon sa kabila nga ng kanilang kahirapan.

Sa una ay tutol pa ang nanay ni Crystalle na isabit sa kanilang tagpi-tagping bahay ang tarpaulin ng anak dahil natatakot na baka makatanggap ng panghuhusga ngunit hindi nagpatinag ang dalaga at proud na isinabit ito. Aniya, “Nay, yan ang pinakamagandang tagpi na nilagyan natin. Salamat, Nay, sa lahat.”

Credit: Facebook / Crystalle Mae Manalo

Talaga namang wala ng gaganda pa sa tarpaulin ng tagumpay ni Crystalle. Hindi lang ito tagumpay niya kundi tagumpay rin ng kanyang mga magulang na nagsumikap na igapang ang kanyang pag-aaral at walang sawa siyang sinuportahan sa kanyang pangarap. Bukod sa kanyang ina ay malaki rin ang pasasalamat niya sa kanyang Lola Gloria na parati siyang ipinagdadasal sa kanyang pag-aaral. Ngayon nga ay lubos ang kaligayahan nito para sa kanyang apo na isa nang ganap na engineer.

Credit: Facebook / Crystalle Mae Manalo

“Ganito pala ang nararamdaman mo na malaman na iyong apo isa sa mga pumasa sa board exam. Naiisip ko iyong mga nangyari sa buhay naming dalawa na tuwing bayaran sa school wala kamaing pambayad, puro pakiusap na lang. Eto na ngayon puro dasal na lang ang ginawa namin para makamit na niya iyong maging engineer. Salamt Lord, hindi mo pinabayaan ang apo ko,” saad ni Lola Gloria.

Credit: Facebook / Crystalle Mae Malonzo Manalo

Mula man sa hirap ay hindi ito ikinahiya ni Crystalle at proud pa ngang ipinakita sa lahat ng tao ang kanyang kinalakihang buhay. Isang magandang halimbawa ang dalaga sa lahat ng kabataan na kahit kailan ay hindi hadlang ang kahirapan at estado sa buhay upang makamit ang mga pangarap. Ang katotohanang nagmula ka sa kahirapan ay hindi isang kahihiyan.

Leave a Reply