Guro, Nakaipon Ng Higit Isandaang Libong Piso Sa Loob Ng Isang Taon

Malaking savings. Ito ang hinahangad ng karamihan pero isa sa mahirap gawin para sa nakararami. Lumalabas na maraming Pilipino ang walang savings o ipon na nakalaan para sa emergency, sakuna, at para sa pangarap na hinihiling na magkatotoo. Ngunit, kahit maraming Pilipino ang nasanay na walang ipon, narito si Cathlyn De Leon Mariano na mayroong mindset “Kung gusto mong magtagumpay sa Ipon Challenge mo, magagawa mo dahil gusto mo.”

Nag-trending ang post ni Cathlyn kung saan ibinahagi niya ang kanyang Ipon Challenge Journey na sinimulan niya 2 years ago. Aniya nainggit daw siya in a positive way sa nagiging successful sa Ipon Challenge. Na-inspire siya dito at matapos ang dalawang taon, nakaraang January 2, 2021 ay naglakas-loob siyang buksan na ang koleksyon niya. Nagtagumpay siya at umabot ng 106,115 pesos ang kanyang naipon kaya naman maraming humanga at narito ang 12 tips niya para makapag-ipon.

Credit: Facebook / Cathlyn De Leon Mariano

1. Magdasal at maging determinado. Para sa kanya, nakatulong ang pagdadasal sa Panginoon upang magabayan ka Niya at alagaan sa nais na makamit sa buhay. Maigi rin na sumali sa mga Facebook groups gaya ng “Piso ko, Ipon ko,” “Peso Sense,” at “Chink+IPONaryo”. Dito maraming helpful tips at sharing tungkol sa kahalagahan ng pag-iipon.

2. Income-Savings=Expenses. Tandaan ang formula na ito: Income-Savings=Expenses. Ugaliing magtabi agad ng pera para sa savings kapag pay day. Base kay Cathlyn, tinatabi niya ang 10% ng kita niya kada buwan o kaya naman base sa formula ibabawas lahat ng gastusin sa sweldo at lahat ng matitira ang ilalagay sa savings.

Credit: Facebook / Cathlyn De Leon Mariano

3. Alamin ang wants vs. needs. Kailangan tukuyin bago bilhin ang isang bagay kung ito ba talaga ay kailangan mo (needs) o baka naman gusto mo lang (wants). Sa ganitong paraan mas masasala mo kung ano ang dapat unahin (needs) at isantabi ang mga bagay na hindi kailangan (wants). Base kay Cathlyn, matutong gumasta nang naayon sa iyong makakaya.

4. Gumamit ng alkansya o mag-open ng bank account. Makakatulong ito para hindi madaling makuha ang pera kung may maiisip na gastusan at mapanatiling secured ang savings.

Credit: Facebook / Cathlyn De Leon Mariano

5. Maglagay ng label sa alkansya. Mahalaga ito para sa law of attraction. Ang paglalagay ng label kung para saan ang iniipon at pagseset ng target amount sa alkansya ay mahalaga para mapanatili ang motivation sa pag-iipon.

6. Piliin ang mas murang kasuotan. Ang pagsusuot ng murang damit o walang tatak na damit ay hindi nangangahulugang ikaw ay naghihirap. Hindi masasabing cheap o walang tatak ang damit kung marunong magdala ang nagsusuot. Kaya huwang magsayang ng pera para sa damit lamang.

Credit: Facebook / Cathlyn De Leon Mariano

7. Maging wais sa quality time. Hindi raw sila magastos ng kasintahan niya pagdating sa date o quality time. Mas pinipili raw nila magfoodtrip sa bahay habang nanonood ng movie. Ang madalang na paglabas at hindi pagiging materialistic ay malaking halaga para makapag-ipon.

8. Tipid living. Sa dalawang taon niyang pagtuturo sa paaralan, nakasanayan na niyang magbaon ng pagkain para sa lunch at nagpundar ng sariling service papunta sa paaralan. Kung ano ang available na ulam sa bahay yun na rin ang binabaon niya. Naging service naman niya ang sariling e-bike para makatipid ng pamasahe. Katumbas daw kasi ng walong oras ng pag-charge sa e-bike ang isa’t kalahating linggo niyang paggamit dito.

Credit: Facebook / Cathlyn De Leon Mariano

9. Magsimula ng paunti-unti. Hindi kailangang pwersahin ang laki ng halaga sa pag-iipon. Pwedeng magsimula sa barya-barya na muna hanggang makasanayan. Hindi kailangan ng malaking kita o suweldo, ang importante, pag-aralan ang self-control at tamang disiplina sa pag-gastos.

10. Huwag ugaliing mangutang. Kasama sa pag-iipon ang tamang paghawak sa pera. Huwang nang umutang kung ipapambayad lang din ito sa isa pang utang. Dahil dito, nawawalan ng halaga ang pag-iipon.

Credit: Facebook / Cathlyn De Leon Mariano

11. Mag-take down notes. Ilista kung saan nagastos o napunta ang pera para malinaw kung paano mo nagagastos ang kita at mabigyan pansin ang bawat gastusin. Malaking tulong ang paggamit ng money organizer app o money envelope upang mahati ng maayos ang paroroonan ng pera.

12. Magkaroon ng extra income. Inirerekomenda na magkaroon ng iba pang source of income gaya ng pag-iinvest o mag-isip ng raket kung saan ka magaling. Para sa kanya, dapat hindi natutulog ang pera at gamitin ito para palaguin pa lalo.

Credit: Facebook / Cathlyn De Leon Mariano

Ayon pa kay Cathlyn, naging hobby na niya ang pag-iipon dahil para sa kanya “Keep on saving dahil daig ng taong masinop ang taong waldas.”

Leave a Reply