Ice Cream Vendor na Walang Benta, Maswerteng Pinakyaw ng Isang Rider/Vlogger

Ang pagiging ice cream vendor ay mahirap at nakakapagod na hanapbuhay dahil matiyaga kang maglalakad sa initan para lamang makapaglako ng paninda, at dahil sa pandemya, ang hirap sa pagtitinda ay lalo pang dumoble.

Nito lamang ay maswerteng nadaanan ng isang vlogger ang ice cream vendor sa daan. Napansin niya umano na malungkot ang itsura nito at nakatulala sa gilid ng kalsada habang buhat ang lagayan nito ng ice cream. Agad niyang naisip na baka wala pang benta si tatay kaya ito malungkot.

Credit: Facebook / Team Katagumpay

Habang naka-park ay nilapitan niya si tatay at nagkunwari siyang bibili ng isang ice cream. Sa una’y pinapatawa niya pa ito at binibiro upang mawala ang lungkot nito. Binibiro pa ng vlogger si tatay kung may kamote flavor ice cream ba siya o kaya ay pakwan. Sa pag-uusapap nilang dalawa ay napag-alaman niyang 71-anyos na pala si tatay at hiwalay na sa kanyang asawa kaya naman nakakalungkot na mag-isa na lamang itong namumuhay.

Tinanong ng vlogger kung ilan ba lahat ang popsicle ice cream na kanyang tinitinda at bibilhin niya ito lahat. Saad ni tatay ay nasa 40 piraso daw ito. Sa una ay hindi pa naniniwala si tatay na bibilhin lahat ng itinuturing niyang estranghero ang lahat ng kanyang paninda.

Credit: Facebook / Team Katagumpay

Paliwanag ni Team Katagumpay ay papakyawanin niya lahat ng dalawang araw na panindang ice cream ni tatay. At maaari pa siyang kumita ng doble dahil pwede niya pang ibenta ang mga ice cream kahit napakyaw niya na ito. Tulong niya na raw ito kay tatay upang kahit papaano ay hindi na ito mahirapan at malungkot pa.

Inabutan niya si tatay ng halagang 1,000 pesos bilang kabayaran sa paninda. Dahil dito ay napangiti na si tatay at lubos ang kanyang pasasalamat sa rider/vlogger sa tulong nito sa kanya. Ang halagang isang libong piso ay napakalaking tulong dahil hindi biro ang kumita nito sa ilang oras na paglalako.

Credit: Facebook / Team Katagumpay

Sa caption post ni Team Katagumpay, aniya, “Ikaw yung meron. Kailangan ka ng wala.” Isa itong magandang halimbawa para sa lahat na maging mapagbigay at mabuti sa mga taong wala sa buhay. Mahirap man ang buhay, hindi ito hadlang upang makatulong sa ibang mas nangangailangan.

Kilala na si Team Katagumpay bilang isang vlogger na mapagbigay at mahilig tumulong sa mga vendor na nadadaanan nito sa kalsada. Maliit mang bagay ngunit malaking tulong at pasasalamat na ito para sa mga taong nakakatanggap ng kanyang kabutihan.

Credit: Facebook / Team Katagumpay

Dahil dito ay umani ng papuri ang vlogger sa netizens:

“Salute sayo, sana dumani pa ang mga katulad mong may awa sa kapwa Pilipino.”

“God bless sayo Tatay at Sir rider vlogger! Patnubayan sana lagi kayo ng Panginoon.”

“Abundant blessings for you, Sir. May you set an example to the rich people who seems blind to the poor and needy people around them.”

“Nakakaantig ng puso ang ginawa mo Kuya, maraming salamat sa kabutihan ng puso mo.”

“Sana marami pang pumakyaw sa paninda ni Tatay para di na siya mahirapan. God bless sayo, Kuya Idol.”

Credit: Facebook / Team Katagumpay

Ang simpleng kabutihan ay katumbas na ng malaking biyaya para sa taong nakakatanggap nito. Kaya naman hindi dapat natin maliitin ang bawat kabutihan na kaya nating gawin sa ating mga kapwa. Naging isang magandang halimbawa at inspirasyon ang rider vlogger. Patunay lamang ito na kahit malupit ang mundo ay marami pa ring mababait ang puso na handang tumulong.

Leave a Reply