Dating Flight Attendant, Proud Street Food Vendor Na Ngayon

Hindi maitatanggi na malaki ang naging epekto ng pandemya sa buhay ng mga tao ngayon, lalo na’t nagdulot ito ng kawalan ng trabaho ng maraming Pilipino. Dahil sa pagbagsak ng ekonomiya, maraming kompanya ang nagsara o kaya naman ay napilitang magtanggal ng mga empleyado upang makaraos.

Nakakalungkot man, isa sa mga naapektuhan at nawalan ng trabaho ay ang dalaga na nagsisilbing breadwinner ng kanilang pamilya. Ang kanyang magandang trabaho na may malaking sahod ay bigla na lang naglaho dahil sa pagdating ng pandemya.

Credit: Instagram / iamleighisis

Kilalanin si Leigh Isis Nazaredo, isang 26 years old na dalaga, at apat na taong naging flight attendant sa isang malaking airline company dito sa Pilipinas. Isa siya sa mga flight attendant na nawalan ng trabaho at ngayon nga ay isa na siyang street food vendor.

Nang malaman ni Leigh na isa siya sa mga matatanggal na flight attendant ay hindi na daw niya napigilang umiyak. Una niyang naisip ay ang kanyang pamilya, kung paano na sila at paano niya ito bubuhayin. Ngunit hindi siya nagpatinag at umisip agad ng paraan upang mapagpatuloy ang pagsuporta sa kanyang pamilya, at doon na nga nagsimula ang kanyang pagtitinda ng mga street foods tulad ng fish ball at kikiam.

Credit: Facebook / GMA Public Affairs

Aniya, “Hindi naman po ako nanggaling sa mayamang pamilya para ikahiya ko po na magbenta po akong fish ball at kikiam. Nung time po na iyon, ang iniisip ko lang po paano sila Mama at Papa? Paano kami? Paano ako?”

Bilang isang anak at breadwinner ng pamilya, natural lang para kay Leigh na isipin agad ang kapakanan ng kanyang mga magulang. Mahirap man ang nangyari sa kanya, hindi siya sumuko sa buhay at sa halip ay bumangon siya at lumaban.

Credit: Facebook / GMA Public Affairs

“Yung acceptance po na wala na kong trabaho noon, sobrang hirap,” dagdag ni Leigh.

Talaga namang napakahirap tanggapin na ang maganda mong trabaho kung saan kumikita ka ng Php50,000 hanggang Php70,000 kada buwan ay bigla na lang maglalaho na parang bula. Kaya naman sobrang nakakabilib ang dalagang si Leigh sa kanyang pagtanggap ng kabiguan at pagbangon mula rito.

Credit: Facebook / GMA Public Affairs

Maraming netizens ang napabilib sa kwento ni Leigh kung kaya ay hindi nila napigilang magbigay ng mga positibong komento:

“Saludo ako sayo Ate dahil kahit anong trabaho ay papasukin mo basta malinis na paraan at para makatulong sa pamilya. Isa kang huwarang babae.”

“You’re very resourceful, a very rare kind of lady! You see a positive side on a negative situation.”

“This young lady deserves great respect! What a show of humility that not everyone can show!”

“I’m so proud of you, Ate. Keep it up, may awa ang Diyos, soon babalik sayo kung ano man ang nawala, doble pa kaya kapit lang.”

Credit: Instagram / iamleighisis

Malayo man sa dati niyang trabaho noon kung saan ay lagi siyang nakapustura at nakakapunta sa iba’t ibang mga bansa ay masaya pa rin ang dalagang si Leigh dahil hindi siya pinabayaan ng Diyos.

Ang pagiging isang street food vendor niya ngayon ay patunay lamang ng pagiging matatag niya at pagiging madiskarte sa buhay. Isa siyang magandang halimbawa para sa lahat ng mga Pilipino na huwag sumuko sa buhay, at inspirasyon rin sa mga nawalan ng trabaho katulad niya na maging maparaan at huwag lamang umasa sa ibang tao.

Credit: Instagram / iamleighisis

Flight attendant man o street food vendor, ang parehong trabaho ay marangal. Hindi naman nasusukat sa klase ng iyong trabaho ang pagkatao mo, at hindi rin ito basehan ng iyong tagumpay. Dahil ang mahalaga ano mang trabaho ang gawin mo basta’t maayos at walang tinatapakang tao ay dapat ng ipagmalaki.

Leave a Reply