Hamon Ng Netizen Patungkol Sa Pagliligpit Ng Kinainan Sa Fast Food Chain, Hinangaan

Hindi ba’t noon pa man gawain na ng bawat isa sa atin ang magligpit ng kinainan kapag nasa bahay. Ngunit dapat ba nating ugaliin din ito kahit sa mga restaurant o karinderya tayo kumain?

Bawat indibidwal o pamilyang Pilipino ay hilig o nakasanayan na ang kumain sa labas o restaurant. Minsan pa nga sa mga restaurant o fast food chain natin ipinagdiriwang ang mga espesyal na okasyon. Katulad na lamang ng kaarawan, anibersaryo ng magkasintahan o mag-asawa. Minsan naman kahit simpleng pagkain lamang at paminsan-minsang yayaan ng barkada o pamilya.

Credit: Out Of Town

Pamilyar ka ba sa salitang “clean as you go”? May mga indibidwal na sa kasalukuyan ay ginagawa ito katulad na lamang ng trending na si Junery Ace Villa. Isang hamon nga ang sinimulan ni Junery para sa mga kapwa “diners”. Ito ay ang makasanayan nang ligpitin ang kinainan sa mga restaurant o fast food chain matapos kumain. Ipinost ito ni Junery sa kanyang social media na naglalayon na matuto ang bawat indibidwal na gawin ang simpleng bagay na ito. Makikita sa larawan na malinis na ang lamesa at nakapataas na ang mga plato, maging ang mga kutsara, nang sa ganon ay kukuhanin na lamang ng mga serbidora.

Credit: Orange Magazine

Dahil sa post niya na ito, maraming netizens ang natuwa at kumasa sa hamon niya na magligpit at huwag basta iwanan ang kinainan na katulad sa nakasanayan. Ilang netizens din ang nagsabi na maging sila ay ganito din ang ginagawa pagkatapos nilang kumain. Maraming netizens din ang humanga sa ginawang ito ni Junery na nagpapakita lamang na may mga katulad niyang kayang gawin ito sa harap ng publiko.

Credit: Junery Ace Villa

Sa kabilang banda, sa simpleng pagliligpit na ito, maraming waiter o service crew ang natutulungan at syempre natutuwa. Sa ganitong pamamaraan, makatutulong ang kahit na sino na mapagaan ang trabaho ng isang serbidora o service crew. Karamihan nga, hindi man lahat, sa mga service crew lalo na sa mga fastfood chain ay mga working students na pinagsasabay ang pag-aaral at trabaho. Hindi ba’t magiging mabilis at epektibo ang kanilang serbisyo kapag ganito dahil hindi na magkakaroon ng matagal na oras para magligpit.

Credit: Facebook / Mang Inasal

Samantala may mga netizens na pumuri kay Junery sa ginawa nito at nagsabing nararapat lamang na ganito ang maging kaugalian pagkatapos kumain sa loob man ng bahay o maging sa labas. Bilang isang tao o indibidwal, ang ganitong pagpapakita ng malasakit ay nagpapatunay na ang pagtulong ay hindi lamang sa pamamagitan ng malaking bagay kundi sa simpleng paraan na kaya nating ibigay sa kapwa.

Leave a Reply