Barbero Noon, Isa Nang Ganap At Matagumpay Na Doktor Ngayon

Lahat ng pangarap ay posibleng matupad basta’t may sipag at determinasyon ang tao na matupad ito. Gaano man kataas at kahirap abutin ang isang pangarap kung gugustuhin ay hindi malabong makamit ito.

Kilalanin si ‘Jess Dexisne’, isang lalaking nangarap sa kabila ng kahirapan sa buhay, at kahit pa mukhang imposible ang pinapangarap na propesyon ay matagumpay niya itong nakamit.

Credit: Facebook / Dr. Ofelia SamarSy

Salat man sa buhay ang pamilya ni Jess ay hindi ito naging hadlang upang magpursigeng maging doktor. Alam ng lahat na isa ang pagdo-doktor sa pinakamahirap at pinakamahal na pangarap para abutin, kaya naman nakakabilib ang kwento ni Jess kung paano ang isang barbero noon ay isang doktor na ngayon.

High school pa lamang si Jess nang nagsimula siyang pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho bilang isang barbero sa barber shop ng kaniyang Lolo Jose. Hanggang siya ay makapagtapos ng high school at magsimulang mag-kolehiyo ay patuloy pa rin siya sa pagiging barbero kung saan ang kinikita niya rito ay idinadagdag niya sa kaniyang pag-aaral.

Credit: Facebook / Dr. Ofelia SamarSy

Si Jess ay kumuha ng kursong Nursing sa Immaculate Concepcion College sa bayan ng Daraga. Ang Nursing ay isa ring magastos na kurso kaya naman malaki ang naitulong ng pagtatrabaho niya bilang barbero upang matustusan ang kaniyang mga gastusin sa paaralan tulad na lamang ng mga pambili niya ng kaniyang mga libro.

Hindi rin naging madali ang kaniyang buhay dahil sa gitna ng pagpupursige ay nakakalungkot na ilang ulit na rin siyang huminto sa pag-aaral. Dahil sa sunod-sunod na bagyo na naranasan nilang pamilya ay napilitan siyang huminto sapagkat naapektuhan ng bagyo ang mga pananim ng kaniyang magulang na mga magsasaka.

Credit: Facebook / Rhaydz Barcia

“Yon yung mga panahon na kaliwa’t kanan yung bagyong dumarating, halos buwan-buwan may bagyo. Nag-stop ako kasi anim kaming magkakapatid, hindi kakayanin ng parents ko so nagtrabaho muna ako,” wika ni Jess.

Sa kabila ng kanyang paghinto sa pag-aaral ay hindi siya sumuko sa kanyang pangarap. Pinagpatuloy niya ang pagsusumikap at nagpakatatag sa pagtatrabaho bilang isang barbero upang maipagpatuloy ang pag-aaral.

Credit: Facebook / Sabina Zaira Torregoza

Hindi nga nabigo si Jess dahil lahat ng kanyang paghihirap at pagsususumikap ay nagbunga nang makapagtapos siya bilang nurse at nagpatuloy sa pag-aaral upang maging doktor at nito ngang Oktubre 2020 ay nakapasa siya sa Physician Licensure Exam at tuluyan ng naging ganap na doktor.

Credit: Facebook / Rhaydz Barcia

Aniya, “Sa buhay po, napakarami talagang pagsubok—madadapa, matatalo, malulungkot po tayo—pero kailangan po natin itong pagdaanan para lumakas tayo. Ang pangaral na natutunan natin sa pagkabigo ay gawin na lang natin itong panggatong para sa ating mithiin, para maabot ang ating pangarap. Marami po tayong kakayahan, kapasidad at abilidad, wag po natin itong sayangin.”

Si Jess ay patunay na kahit sino ay pwedeng mangarap ng mataas kahit mahirap basta may determinasyon na magpatuloy at maabot ito. Ang klase ng iyong trabaho ay hindi kahihiyan para magtagumpay sa buhay.

Leave a Reply