Si Shaira Lenn Osuna Roberto o mas kilala bilang Sanya Lopez ay isang aktres, model, singer, endorser at TV host. Sa edad na 24 years old ay isa na siya sa mga matagumpay na artista sa showbiz ngayon.

Maaalalang nagsimulang mamukadkad ang career niya sa showbiz noong mapasama siya sa hit teleserye remake na ‘Encantadia’ kung saan isa siya sa mga magaganda at matatapang na sanggre na gumanap bilang si ‘Danaya’. Magmula nga noon ay marami ng nakapansin sa angking ganda at talento niya at nagsunod-sunod na ang kaniyang mga proyekto.
Bukod sa angkin niyang galing sa pag-arte ay hinahangaan rin ng marami ang kanyang kagandahan at kaseksihan. Sinisigurado lagi ng aktres na hindi niya napapabayaan ang sarili lalo na ang kaniyang magandang pangangatawan. Makikita nga sa kaniyang mga instagram posts ang madalas niyang pag-eehersisyo at pagda-diet.

Samantala, ang kapatid naman nitong si Jan Rommel Osuna Roberto o mas kilala bilang Jak Roberto ay isa ring aktor, model at singer. Sa edad na 27 years old, siya ang nakatatandang kapatid ni Sanya.

Matatandaang naging matunog ang pangalan ni Jak noong gampanan niya ang role ni ‘Andoy’ sa kilig teleserye na ‘Meant to Be’ ng GMA, kung saan naging katambal niya si Barbie Forteza, na ngayon nga ay kanya ng real-life girlfriend.

Pansin ng lahat ang pagiging malapit ng magkapatid sa isat-isa, mapa on-cam man o off-cam. Makikita rin ito sa Tiktok at Youtube vlogs ni Jak, kung saan ay madalas niyang i-prank ang kapatid na si Sanya.
Kwento nga ng aktres, ay nagsimula sila sa mahirap na pamilya, at ang magagandang asal na itinuro sa kanila ng kanilang mga magulang ay kanilang isinasabuhay hanggang ngayon. At isa na nga sa magandang ugali na hindi mawawala sa kanila ay ang lumaking mapagbigay sa isat-isa.

Ayon nga kay Sanya, noong maliit pa lamang sila ay madalas silang maghati sa pagkain ng kaniyang Kuya Jak. Katulad na lamang ng paghahati sa isang pancit canton at tig-apat na pisong chocolate drink, kung kaya naman ay lumaki silang malapit sa isat-isa bilang magkapatid. At ngayon nga ay patuloy pa rin silang nagbibigayan.
Ang magkapatid na artistang ito ay isang magandang halimbawa at nagsisilbing inspirasyon sa mga netizens, lalo na sa mga magkapatid, na kahit pareho na silang sikat at matagumpay sa buhay ay hindi nila nakakalimutan ang isat-isa. Pareho nilang suportado ang takbo ng kanilang mga buhay at nananatiling mapagkumbaba at mapagbigay. Malaki ang ang naging ambag ng mahirap nilang buhay dati sa kung ano sila ngayon at pinapanatili ang matibay na relasyon bilang pamilya.

Sa ngayon ay katatapos lamang ng teleserye ni Sanya na ‘First Yaya’ katambal ang aktor na si Gabbi Concepcion. Naging matagumay ang teleserye at umani ng maraming magagandang papuri mula sa mga manunuod. Dahil na rin sa lock-in taping ay mas naging malapit siya sa kaniyang mga kapwa artista. Sa kasalukuyan, siya ay mapapanuod sa ‘Agimat ng Agila’ na pumalit sa ‘Catch Me Out Philippines’ kasama ang aktor at senador na si Ramon “Bong” Revilla Jr. na mapapanuod tuwing Sabado sa GMA.