Pangarap ng mga magulang na mapag-aral at mapagtapos ang kanilang mga anak, upang magkaroon ito ng magandang buhay. Kaya naman lubos ang kaligayahan ng mag-asawang empanada vendor at welderer nang mapagtapos nila ang kanilang anak ng Nursing at ito ay nakapasa at nag-Top 10 pa nga sa board exam.
Labis ang kasiyahan ng mag-asawa sa tagumpay ng anak dahil alam nila ang sipag at tiyaga nito sa pag-aaral. Sila ay proud na proud dahil hindi sila nito binigo sa kabila ng simple nilang pamumuhay bilang pamilya.

Ang anak nilang ito ay si Shannara Mica Guta Tamayao, na nakapag-tapos sa Mariano State University sa Batac, Ilocos Norte sa kursong BS Nursing. Ang kanyang matagumpay na pagtatapos ay ipinagpapasalamat niya sa kanyang mga magulang na walang sawa sa paggabay at pagsuporta sa kanyang mga pangarap.
At hindi pa nga dyan nagtapos ang kaniyang tagumpay, dahil ang dalaga ay nakapasa sa Nursing Licensure Examination at naging 10th Placer pa sa halos isang libong nakapasa sa board exam. Siya ay nakakuha ng marka o rating na 84.60%, kung saan ay isang kahanga-hangang marka lalo na’t masasabing hindi biro at talaga namang napakahirap ng board exam.

Ayon sa kanyang mga magulang, bata pa lamang daw ang anak ay masasabing mahusay na ito na mag-aaral. Simula elementarya hanggang high school ay lagi daw itong nakakatanggap ng mga parangal bilang isang honor student. Kaya naman hindi na rin kataka-taka ang tagumpay nito dahil bukod sa mahusay ay taglay din nito ang kasipagan at pagiging matiisin.
Bukod sa pagiging mahusay sa paaralan, Si Shannara ay isa ring mabuting ate sa kaniyang mga kapatid. Siya ang panganay sa magkakapatid kaya naman talagang naging pursigido siyang pagbutihin at matapos ang kaniyang pag-aaral. Nais niyang maging modelo siya sa kanyang mga kapatid, upang sama-sama silang magtagumpay sa buhay at masuklian ang pagsasakripsiyo ng kanilang magulang.

“Itinuturing ko talaga na bonus kasi hiling ko lang ay pumasa pero binigyan Niya ako ng rank na Top 10,” Sabi ni Shannara.
“Yung mga congratulations ay hindi para sa akin, para sa mga parents ko kasi sila ang may deserve ng mga congratulations sa akin. Kasi in the first place, sila ang nagpakahirap sa akin dahilan kung nasaan kami ngayon,” mapagkumbabang dagdag pa nito.
Sa kabila nga ng pagiging mahirap sa buhay ng kanilang pamilya, talaga namang kahanga-hanga ang pagiging mahusay ni Shannara. Pinatunayan niyang ang pagiging empanada vendor ng kaniyang ina at isang welderer ng kaniyang ama na walang permanenteng kita ay hindi hadlang para siya ay magsumikap at magtagumpay sa pag-aaral.
Alam naman ng lahat kung gaano kahirap ang buhay ngayon, lalo na sa isang pamilya na mababa lamang ang kita at may pinag-aaral pang mga anak. Hindi lahat ng magulang ay may kakayahang pag-aralin ang anak sa kolehiyo lalo na at masasabing mahal ang kursong Nursing. Ngunit hindi naging hadlang sa mag-asawa ang kanilang hanapbuhay, sa halip ay patuloy na nagsumikap para suportahan ang pangarap ng kanilang anak.

Ito ang ilan sa mga naging komento ng netizens:
“You’re such a wonderful daughter. Congrats to you and to your proud parents.”
“Congrats iha. Ngayon na ang tamang panahon para ipakita sa katulad mo na hindi masyadong nakakaluwag na malaki pa rin ang pag-asang umasenso sa pamamagitan ng pagtitiyaga.”
“Congrats sayo at sa magulang mo. God bless to another journey of your life.”
“Congrats lady. Hat off. You are an inspiration to the next generation.”
“Iyan ang dapat pamarisan ng mga kabataan.”
“An inspiration to all young people whose parents work so hard to give them a bright future.”
Talaga namang isang modelo sa pagiging mabuting anak at estudyante si Shannara, isa rin siyang inspirasyon sa mga kabataan na hindi hadlang ang estado ng buhay para tuparin ang mga pangarap at magtagumpay.