P50 Ipon Challenge Ng Construction Worker At Asawa Nito, Napabilib Ang Netizens

Ang pag-iipon ay talaga namang dapat at kailangan gawin ng lahat ng tao para sa kinabukasan o may mapagkunan sa oras ng kagipitan. Subalit alam naman nating lahat kung gaano kahirap mag-ipon lalo na sa panahon ngayon na maraming gastusin sa pamilya at matataas pa ang presyo ng mga bilihin.

Kaya naman maraming netizens ang napabilib ng isang construction worker at asawa nito na si Kember Flores Casabuena nang kumasa sila sa 50 Pesos Ipon Challenge at napagtagumpayan ito.

Credit: Facebook / Kember Flores Casabuena

Ibinahagi nga ni Kember sa kaniyang Facebook ang 50 Pesos Ipon Challenge na ginawa nilang mag-asawa. Ayon sa kaniya ay napanuod nila sa isang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho ang tungkol sa ipon challenge na ito, kung kaya naman ay na-engganyo siyang subukan at hinikayat na rin ang kaniyang construction worker na asawa.

Noon pa man, pangarap na talaga ni Kember at kaniyang asawa na mapagawan ng second floor ang kanilang tahanan. Ngunit hindi nga nila ito magawa dahil masyadong mahal magpagawa ng second floor at wala naman silang perang mag-asawa para rito.

Credit: Facebook / Kember Flores Casabuena

Dahil nga na-inspire si Kember sa napanuod na palabas at ang kagustuhang matupad and second floor na pinapangarap, ay sinimulan na nilang mag-ipon sa pamamagitan ng pagtatabi ng 50 pesos na perang papel.

“Ginawa muna naming invisible yung 50 pesos at wala munang halaga sa amin ang 50 pesos. Sa box pa ng sapatos ko unang nilagay at binalutan ko ng packing tape. At bago ko umpisahan ibinulong ko muna sa box na para sa bahay pang second floor,” pahayag ni Kember.

Credit: Facebook / Kember Flores Casabuena

Sa una raw ay mahirap para sa kaniya ang magtabi ng 50 pesos lalo na at maraming gastusin, at maski ang kaniyang asawa ay ayaw pa itong subukan. Ngunit dahil sa pagpupursige niya at kagustuhan ngang mapatayo ang second floor ay kalaunan naman ay nahikayat na niya ang kaniyang asawa at nakisali na rin sa pag-iipon ng 50 pesos.

Sa tuwing mayroon silang 50 pesos na perang papel ay agad nila itong inihulog sa alkansyang kahon na ginawa niya. Hanggang sa dumami na nga ito at hindi na nagkasya sa kahon, kaya naman ay inilipat na nila ang mga naipong pera sa isang balde upang mas malaki pa ang mapaglalagyan nila ng ipon.

Credit: Facebook / Kember Flores Casabuena

Naalala pa nga raw ni Kember na sa tuwing nagbabayad siya sa tindahan, grocery o palengke ng 500 pesos na buo at sinusuklian siya ng tig-singkwenta ay wala siyang pagpipilian kundi ihulog na agad ito upang di niya magastos.

Hindi lang basta pagpupursige ang ginawa nilang mag-asawa kundi pati matinding pag-didisiplina. Hindi basta-basta nagpapadala ang mag-asawa sa mga gusto nilang bilhin sa halip ay palaging inuuna ang pag-iipon.

Credit: Facebook / Kember Flores Casabuena

Maliit man ang sinasahod ng kaniyang asawa sa pagko-construction worker ay pinilit nitong maghulog sa kanilang alkansya. Mahirap man ay kinaya nilang umiwas sa tukso ng pagbili ng luho dahil sa iniisip ang kanilang pangarap na second floor para sa kanilang tahanan at para na rin sa ikaka-komportable ng kanilang mga anak.

Credit: Facebook / Kember Flores Casabuena

“Masarap sa pakiramdam na kahit papano may naitatabi kang pera. Disiplina lang po sa sarili at pananalig sa itaas na tuloy-tuloy ang biyaya at huwag din ubos biyaya,” payo ni Kember. Dahil sa kahang-hangang disiplina sa pag-iipon ng mag-asawa ay maraming netizens ang kanilang napabilib.

“Tama yan, hindi sayang pagpapawis at pagod goodluck sa inyo.”

“Basta nagtutulungan kayo hindi imposible yan.”

“Pag gusto may paraan, lahat gagawin para sa future.”

“Wow saludo po ako sa inyo sis.”

Credit: Facebook / Kember Flores Casabuena

Sa kasalukuyan ay nagtitinda naman si Kember sa online ng mga ibat-ibang skin care products para narin makatulong sa asawa at mas madagdagan pa ang kanilang ipon para sa pangarap na second floor at tuluyan na itong maisakatuparan balang araw.

Isa si Kember at ang kaniyang asawa na magandang halimbawa na kapag may pangarap at sinamahan ng disiplina ay walang imposible. Gaano man kahirap ang buhay kapag pursigido at may pagtutulungan siguradong kakayanin at mapagtatagumpayan.

Leave a Reply