Dating Tindera, Naging Tricycle Driver Para Mapag-Aral Ang Mga Anak

Ang ilaw ng tahanan ang nangangasiwa sa bahay at gumagabay sa mga anak upang lumaki ng maayos. Pero paano kung ang ina ng tahanan ay may trabaho na katulad ng sa haligi ng tahanan? Kilala si Lelibeth Javillo sa kanilang lugar bilang isang inang may paninindigan at pagsisikap. Dahil nga sa hirap ng buhay, ang ginang ay napilitang maging tricycle driver. Tatlo ang anak ni Aling Lelibeth at ito ang inspirasyon niya upang magsumikap sa araw-araw.

Credit: Facebook / Lelibeth Javillo

Isang netizen naman ang naantig at humanga sa kakaibang diskarte ni Aling Lelibeth upang makalikom ng gastusin sa araw-araw. Nakilala ang uploader ng litrato ni Aling Lelibeth na si Bryan Celeste. Bahagi nito, hindi naman talaga tricycle driver ang ginang noon. Si Aling Lelibeth ay tindera ng meryenda sa eskwelahan na siya ring pinapasukan ng kanyang mga anak. Mula sa paghahanda at pagluluto araw-araw ng kanyang paninda, kasabay na rin nitong hinahatid ang anak sa iisang eskwelahan kung saan niya napiling magtinda marahil na rin upang matingnan-tingnan ang mga anak sa eskwelahan.

Credit: Facebook / Lelibeth Javillo

Isang araw ay dumating ang balitang babago sa buhay ng ginang, naghigpit ang pamunuan ng paaralan sa mga itinitinda o maging sa tindera. Dahilan upang hindi na makapagtinda roon ang ginang. Dahil sa kagustuhan ni Aling Lelibeth na kumita upang patuloy na maitaguyod ang tatlong anak, lakas loob itong kumuha ng hulugang motor upang may magamit pa rin sa paghahanap buhay. Basahin ang orihinal na pahayag ni Aling Lelibeth hango sa Facebook post ni Bryan Celeste:

Credit: Facebook / Bryan Celeste

“Ako po ay isang nanay na may tatlong anak na kasalukuyang nag-aaral. Pagluluto ng iba’t ibang meryenda at pagtitinda sa school ang aking pinagkakakitaan. Gigising ako ng alas-dos ng madaling araw para magluto ng mga ititinda. Pagpasok ng mga anak ko sa paaralan, sasabay na rin ako bitbit ang aking mga paninda. Ngunit hindi nagtuloy-tuloy ito dahil naghigpit ang paaralan sa mga vendors. Kaya naisipan kong bumili ng motor na hulugan. Ipinagpatuloy ko ang aking pagtitinda gamit ang aking motor para umikot sa Alaminos, hanggang sa naging matumal ang aking kita rito. Kaya naisipan kong maging miyembro ng TODA. Lakas loob kong sinubukan ang mundo ng pamamasada. Noong una, medyo nakakailang lalo’t mag- isa lang akong babae sa paradahan. Pero sa tulong narin ng suporta ng aking mga ka-TODA, nakayanan ko ito. Hanggang sa ngayon, patuloy pa din ako sa aking pamamasada. Sa panahon ngayon, hindi na imposible na ang gawaing kadalasan ay panlalaki ay kayang-kaya na rin ng isang babae.”

Credit: Facebook / Lelibeth Javillo

Kasabay ng kanyang pagtitinda, unti-unting nakasanayan ni Aling Lelibeth ang pagbabiyahe, gamit na rin ang tricycle nito. Kalaunan ay naging miyembro rin ito ng TODA sa kanilang lugar. Hindi naging madali ang unang pagbyahe ni Aling Lelibeth. Nahirapan umano siya dahil mula sa pagiging tindera ay kailangan niyang maging kaisa ng mga tricycle driver. Ngunit dahil sa dedikasyon at kagustuhang matustusan ang pangangailangan ng mga anak gayundin ang pag-aaral nito, nagawa ni Aling Lelibeth na malampasan ang hirap sa mga naunang pagbyahe niya.

Credit: Facebook / Lelibeth Javillo

Matinding suporta din ang nakuha nito sa mga ka-TODA at kapwa tricycle driver. Sa katunayan, napagtapos niya ang anak sa pag-aaral. Maibibilang nga naman ang kasipagan ng ginang na ito sa napakarami pa ring magulang, ama man o ina, na walang sawang naghahanap ng ikabubuhay upang maitaguyod ang pamilya. Na kahit sa mahirap at delikadong paraan basta’t legal, marangal at walang tinatapakang tao ay magpapatuloy pa rin. Isa nga naman si Aling Lelibeth sa dapat hangaan ng mga magulang partikular ng mga ina sa taglay nitong lakas ng loob. Sa gabay ng Diyos Ama sa langit at mga taong handang sumuporta ng bukal sa puso.

Leave a Reply