10-Taong Gulang Na Sumikat Sa Pag-Aararo, Inulan Ng Tulong

Naitampok kamakailan lamang ang kwento ng isang bata na si Reymark Mariano mula sa Sultan Kudarat. Nito ngang linggo Mayo 25, 2021, ay naipalabas sa KMJS (Kapuso Mo, Jessica Soho) ang kwento ng batang sa edad na 10 taong gulang ay nag-aararo na. Tumutulong sa pagtatanim at pag aani ng gulay upang kumita ng kakarampot na halaga upang maitustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya ang batang si Reymark.

Credit: GMA News And Public Affairs

Sa kabila ng musmos at murang pangangatawan nito ay nagagawa nitong mag-araro katulong ang kabayo nitong si Rabanos.
Aniya, napipilitan siyang gawin ito para na rin sa pangangangailangan nila ng kaniyang pamilya. Kasalukuyang kinukupkop siya ng kanyang Lolo Rudy at Lola Nerie na sa ngayon ay may dinaramdam na karamdaman.

Credit: Facebook / Len Ambolodto Khalid Nor

Araw-araw ay maagang tinatahak ni Reymark kasama ang kanyang kabayong si Rabanos at Lolo Rudy ang matarik at delikadong daan patungo sa dalawang ektaryang bukirin sa bundok kung saan sila nagtatanim ng labanos. Samantalang si Lola Nerie ang naiiwang mag-alaga sa ibang kapatid ni Reymark. Dahil sa hirap ng buhay nagsusumikap siyang maitawid ang pang araw-araw na pag-aararo sa ilalim ng araw. Hindi niya kasama ang magulang niya sapagkat nahaharap sa isang kaso ang kanyang ama. Nagkaroon ito ng warrant of arrest sa kasong illegal possesion of firearms. Samantalang ang ina naman nito ay may iba ng kinakasama at anak.

Credit: Facebook Page / Tagay Na Huy

Ayon kay Reymark, nagsusumikap siya para sa pamilya niya at mataguyod ito, gayundin ang pambili ng gamot ng kanyang lolo at lola na may sakit. Kahit na minsan ay hindi na kinakaya ng kanyang murang katawan. Nasabi rin ng bata na nais niyang makasama muli ang mga magulang sa kabila ng kinahahaarap nitong problema. Naikwento rin ng batang si Reymark na nararansan nitong mag-ulam ng asin upang maitawid ang gutom. Dahil sa kwento ni Reymark, marami ang naantig at nagpahatid ng tulong.

Credit: Atty. Larry Gadoz Supporters

Nariyan ang sako-sakong bigas, groceries, bagong kabayo at maging pera. Ang bahay nila ay tila napuno at dagsa nang tulong mula sa maraming taong naantig sa kanyang kwento. Nagawa rin niyang ibahagi ang natanggap niyang bigas at groceries sa kanyang mga kapitbahay.

Credit: Pinoy History

Meron din nagbigay ng bike sapagkat ang batang si Reymark ay hindi nararanasan maglaro dahil sa araw araw na pag aararo sa bundok. Masaya din niyang ibinahagi na bumalik siya sa pag-aaral, sa katunayan pangarap niya na maging Army. Ilang indibidwal rin ang nagbigay ng tulong kay Reymark upang tuloy-tuloy na makapag-aral hanggang sa ito’y makapagtapos.

Credit: Bhong Alocada

Dahil sa kwento ng pagsisiskap at katatagan ng batang ito, marami sa kababayan natin abroad ang nais tumulong at nagpahatid ng tulong pinansyal kay Reymark. Dala ang pag-asa at tulong sa kanya, nangako ang bata na magtatapos siya ng pag-aaral upang masuklian ang tulong ng mga mabubuting indibidwal na hindi nagdalawang isip na siya ay tulungan.

Credit: Facebook Page / Tagay Na Huy

Marami rin sa mga netizen ang natuwa, naawa at nagpahatid ng magagandang komento sa batang si Reymark. Kabilang rito ang komento ng netizen na si Leynii Valenzuela: “I love you Reymark from the love of God. Magiging masaya ka din at makakasama mo na ang mga magulang mo soon. ‘Wag mawawalan ng pag asa, mahal ka ng Diyos at nakikita ka ngayon sa sitwasyon mo. Ibibigay Niya sayo lahat ng tagumpay. May napagdaanan ka man sa bata mong edad, tapat ang Diyos, ang kapalit nyan—walang katapusang kaginhawaan sa buhay. Seek natin si Lord,mahal ka din ng Diyos, Reymark.”

Credit: Facebook / Marcelino Reyes Jr.

Ang kwento ng batang si Reymark ang magtuturo sa atin ng aral na makuntento, magsikap, magtiyaga at manalig. Tunay ngang kapag kumapit ka sa pananampalataya mo sa Diyos ay darating ang araw na ang paghihirap at pagpapagal ay masusuklian ng siksik, liglig at umaapaw na biyaya!

Leave a Reply