Bilang isang magulang, walang anumang gusto si Mang Renato kundi mapagtapos ang kanyang anak sa pag-aaral upang magkaroon ito ng magandang buhay sa hinaharap. At hindi naman siya binigo ng kaniyang anak sapagkat hindi lang basta nakapagtapos kundi nakapagtapos ito bilang Magna Cum Laude na lubos niyang ikinatuwa sa kabila ng kaniyang hanapbuhay.

Batid ni Sandra Estefani Ramos ang hirap ng kaniyang ama sa pagpe-pedicab para lang masuportahan ang kanilang pamilya at matustusan ang kaniyang pag-aaral, kaya naman nag-sumikap siya sa kaniyang pag-aaral at ginawang inspirasyon ang kaniyang ama upang makapagtapos.

Matagumpay na nakapagtapos ang dalaga bilang Magna Cum Laude sa kaniyang kursong Bachelor in Secondary Education sa Bicol State College of Applied Science ang Technology.

Hindi naging madali para sa dalaga ang makapagtapos bilang Magna Cum Laude dahil batid niyang mas maraming magaling at matalino kaysa sa kaniya, at mas lubos na nakaluluwag sa buhay pinansiyal, ngunit hindi ito naging hadlang para siya ay magsumikap at magpursige.

“Until now, I didn’t know how I was able to achieve this award. Even if I know that there are students more intelligent than me, I still do my best. Even if I didn’t know how, I do know the people who are the reasons why I became Magna Cum Laude,” ang naging pahayag ng dalaga.

Inilarawan ang dalaga ng kaniyang mga Professor bilang isang simple at mapagkumbabang estudyante, na sa kabila ng mga pagsubok nito sa buhay ay nanatili itong matatag at masipag sa kaniyang pag-aaral.

Ayon naman sa kaniyang ina, sa kabila ng mga gastusin ay nagsumikap talaga ang kaniyang asawa na si Mang Renato upang mapag-aral ang kanilang anak at hindi kailan man pinabayaan sa pagsuporta sa pagbibigay ng baon, pamasahe at pang-gastos sa mga proyekto nito. Kung kaya naman lubos rin ang kaniyang galak sa isinukli ng kaniyang anak.

Umaraw man o umulan, patuloy ang mapagmahal na ama sa pag-padyak ng kaniyang pedicab dahil alam niyang sa bawat padyak ay ang paglapit ng kaniyang anak patungo sa kaniyang pangarap.

Ginawang inspirasyon ni Sandra Estefani ang paghihirap at pagsasakripisyo ng butihing ama para magpatuloy sa pag-aaral at lumaban sa kabila ng kahirapan. Araw-araw niyang ipinagpapasalamat na kahit kailan ay hindi ito napagod sa pagpadyak para lamang masuportahan siya.
“Hindi talaga hadlang ang kahirapan basta matiyaga sa pag-aaral at maaabot din ang pangarap.”
“Sana tularan ng lahat ng tatay sa mundo si Mang Renato.”
“Poverty is not hindrance in attaining educational success, well done as to ever supporting parents.”
“Magandang huwaran ang dalaga, sinuklian niya ng sobra ang sakripisyo ng kaniyang magulang.”
“What a great job, determined, focused to achieve her goals to finish the college with flying colors.”

Ilan lamang iyan sa mga nakatutuwang komento ng mga netizens sa kwento nina Mang Renato at Sandra. Tunay na sila ay kahanga-hanga at kakapulutan ng aral at inspirasyon ang kanilang pagsusumikap sa buhay sa kabila ng kahirapan.