Hindi maitatanggi na si Toni Fowler o mas kilala ng kanyang mga tagahanga bilang si “Mommy Oni” ay isa sa pinakasikat at kilalang social media influencer at internet sensation dito sa Pilipinas.

Unang nakilala si Mommy Oni sa kanyang debut comedy TV show na pinamagatang “A1 Ko Sa’yo Wet and Wild Episode” noong 2016 under GMA 7 kung saan kasama niya sila Miss Jaclyn Jose, Solen Heussaff at Gardo Versoza. Si Toni Fowler ay siya ding leader ng kilalang girl sexy group na RBreezy Babes. Aktibo ang nasabing girl group sa mga events at shows bago magkaroon ng pandemic.

Sari-saring kuro-kuro din ang ibinabato sa pagkatao ni Toni Fowler mula noon hanggang ngayon—lalo na nga at nasangkot siya sa ilang social media controversy. Unang nadawit si Fowler sa hiwalayang Jelai Andres at Jon Gutierrez noong 2019. Sa kabila nito ay lalo pang dumami ang followers ni Fowler sa kanyang mga social media accounts partikular na sa Facebook, Youtube, Twitter at Instagram.

Kinaaliwan din ng mga followers ang tambalang Mommy Oni at Daddy Rob sa kanilang Youtube channel kung saan ay dinadaan nila sa vlog ang kanilang araw-araw na pagsasama. Dahil sa tandem ng real-life partners ay namayagpag na lalo ang kanilang social media career. Ito ang kanilang naging libangan at hanapbuhay nung nagkaroon ng pandemya. Binuo din ni Toni Fowler ang Toro House na kinabibilangan ng kanyang mga kapatid at malalapit na kaibigan noon.

Kamakailan ay nagkaroon ng ‘di pagkakaunawaan sina Toni at Rob kung saan nauwi din sa hiwalayan pagpasok ng taong 2021. Hindi naging maganda ang paghihiwalay ng dalawa. Nag-trending at araw-araw na sinubaybayan ang hiwalayang ito. Lalong nagpakita ang mga followers ng kanilang suporta at pagmamahal kay Toni Fowler.

Sa dami ng sigalot at problema na kinaharap ni Toni Fowler sa mga nagdaang taon, mapa-personal o sa kanyang career ay may isang taong labis-labis na nagmamahal at pinagkukuhanan niya ng lakas. Walang iba kundi ang kanyang nag-iisang prinsesa na si Tyronia Fowler. Makikita sa mga vlogs ni Toni Fowler ang labis niyang pagmamahal kay Tyronia. Mapapansin din ang magandang pagpapalaki niya sa bata. Malambing at magalang si Tyronia sa mga vlogs, dagdag pa natin ang pagiging bibo at talented niya.

Toni Fowler is indeed a loving mother to Tyronia at wala siyang hindi gagawin para sa kasiyahan ng anak. Isang patunay nito ay noong payagan niya na isurprise visit ang bata ng kanyang ama sa kanilang bahay. Lumabas ito sa Youtube channel ni Toni Fowler at talaga namang nakakatuwa ang pagkikita ng mag-ama. Tinuldukan na rin ni Toni at Tatay Elon, ama ni Tyronia, ang kanilang matagal nang ‘di pagkakaintindihan para sa kanilang anak. Hindi man sila sa huli, hindi ibig sabihin na hindi buo ang pamilya ni Tyronia, sa halip ay nadagdagan pa nga dahil sa dalawang kapatid sa ama ng bata.

Hindi man naging perpekto ang buhay pag-ibig ni Toni, hindi man siya naging perpektong partner, hindi man siya perpektong babae, isa lang ang makakasiguro tayo—isa siya sa pinakamabuting ina sa mundo na handang ibigay ang lahat para sa kanyang anak.

Marami pang tulad ni Toni Fowler na patuloy na nilalagpasan ang hamon ng buhay at patuloy na nagtatagumpay. At sa bawat tagumpay, ito ang lagi nating tatandaan: “Paa sa lupa, Mata sa langit.” –Toni Fowler

Maliban din sa pagiging vlogger niya ay meron na rin siyang sinimulang negosyo kasama ang kanyang kapatid na si Mari Fowler.